18 August, 2007

Nosebleed


Siguro sa pamagat pa lamang ng blog post ko na ito ay alam niyo na kung ano ang tinutukoy ko. Kadalasan, ang mga katagang Ingles na "nose bleed" ay tampulan ng katatawanan bilang sakit ng maraming Pilipino ngayon; ang kahinaan sa pagsasalita ng wikang Ingles. Pero sa katotohanan, mas karapat dapat na dumugo ang ilong natin sa pagiging ignorante sa sarili nating wika.

Simula pa nang lumipat ako sa paaralan ko ngayon, palagi na kaming hinihikayat na gamitin ang wikang Ingles bilang midyum sa pananalita mapa
sa canteen ka pa o sa library (habang itina-type ko ang mga salitang ito, nagdadalawang-isip ako kung dapat bang isalin ko pa sa tagalog ang "canteen" at "library" na pawang mga nakasanayan nang katawagan sa kantina at silid-aklatan.) Maliban na lamang kung ang klase namin ay Filipino at Araling Panlipunan. Natatandaan ko pa noon ay may "fine" pa nga na pinasimunuan ng Student Council sa sinumang magsasalita gamit ang tagalog- piso kada salita, limang piso naman kada pangungusap. Ganyan ang naging patakaran sa eskwela hanggang sa maging hayskul ako. Hindi ko masasabi na naging matagumpay ang proyekto nilang ito. Ngunit hindi ko naman sila masisi pagkat may kahinaan talaga ang mga mag-aaral ngayon sa pananalita gamit ang wikang Ingles. Pero, masyado tayong nagpadala sa minsang pagkakakilanlan sa atin ng mundo, mga Pilipino bilang mahusay na tagapagsalita ng wikang Ingles. Ang hindi natin alam ay dahan-dahan nating pinapatay ang sarili nating wika.

Pero masasabi ring kahinaan ng isang tao na gamitin ng husto ang sariling wika, dahil sanay na siya sa paggamit nito kaya't di na rin mahalaga kung pag-aaralan niya pa ito o hindi. Kadalasan, ang pokus ng kanyang pag-aaral ay sa wikang hin
di siya masyadong bihasa, ang wika na sa tingin niyang magpapakita ng kanyang kagalingan. Dahil sa kanyang pagiging kampante na sa palagay niya na alam niya na ang lahat sa sariling wika ay di na rin niya napapahalagahan ang wikang siyang sumasalamin sa kaniyang pagiging Pilipino.
Naalala ko nang makausap ko ang isang kaibigan, at madalas ko sa kaniya idinadaing ang kahinaan ko sa wikang Filipino. Sinabi niya noon na halos lahat ng Pilipino ay "bobo" sa kanyang sariling wika, kaya hindi ko rin daw masisisi ang sarili ko sa problemang magpahanggang ngayon ay dala-dala ko pa. Ang salitang bobo ay isang salitang para sa ating mga Pilipino ay 'di katanggap-tanggap. Ang pagiging bobo sa sariling wika ay isang pang-aalipusta, kahihiyan na para ano pa't naging Pilipino tayo gayong di natin alam ang sarili nating wika?
Ang Pilipinas ay mayaman sa iba't-ibang bagay na di matatawarang dito lang matatagpuan: samu't-saring kultura, masayahin at malikhaing mga tao, magagandang tanawin na unti-unti na ring naglalaho, utang atbp. Ngunit para saan pa ang mga ito kung tayo mismong naluluklok sa kagandahan na taglay ng ating bansa ay nagbubula
g-bulagan sa ating pagkukulang sa kanya?
So totoo lang, ang pinakamaliit na lang na ating maaring g
awin para sa ating bayan ay pagyamanin kung ano man ang meron tayo. Ang pag-aralan ang sarili nating bansa, mababaw man kung iisipin ngunit ito ay malaking kontribusyon. Hindi man natin maiangat ang bansa pagdating sa pananalapi, hindi ba't mas mahalagang alam mo sa sarili mo na mayaman ka dahil sa kung sino ka at hindi kung anong mayroon ka? Ang wika ay hindi isang makamundong pag-aari ngunit ito ay matatawag na isang yaman, bagkus dapat lamang na bigyan nating halaga ito. Ayon sa isang talumpati ni Manuel L. Quezon, masasabing ang Pilipinas ay may suliraning heograpikal; ang pagkakawatak-watak ng Pilipinas sa maliliit na pulo. Wala din tayong pagkakaisa pagdating sa pananampalataya-ang iba'y muslim, ang iba'y katoliko. Gayon din naman pagdating sa lahi, di mo na rin masasabing purong pinoy ang isang tao dahil sa iba't-ibang banyagang sumakop sa Pilipinas at nagdaan na rin ang maraming salinlahi. Ngunit ayon sa kanya, ito'y di dapat maging hadlang upang tayo ay magkaisa, ang mahalaga ay mayroong tayong iisang tradisyon, tradisyon na siyang ugat ng tunay na diwa ng ating pagkatao. Ang mga pagkakaiba na ring ito ang siyang nagbibigay-katangian sa ating mga Pilipino, ito rin ang siyang nagkakaloob sa atin ng yaman na angat sa iba. Halimbawa na lamang ang mga katutubo, sila ay larawan ng mayamang kultura ng ating bansa. Sila rin ang pinag-ugatan ng madaming wika na siyang ginagamit sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas. O, walang ganyan sa States!

Hindi ba't ang pangit isipin na tila banyaga ka sa sarili mong bansa? Ano pa ang silbi mo sa lipunan kung hindi ka mag-iisip, kikilos at makikipags
apalaran bilang isang Pilipino? Kung tutuusin, ito na lamang ang masasabi nating maipagmamalaki natin sa iba. Masakit man tanggapin, ngunit ito ang katotohanan. Kung ito na lang ang natitira sa atin hahayaan na lang ba natin ito at tuluyan tayong malugmok sa kabulukan? Siyempre hindi. Ngayon, sa inyo ko inilalatag ang suliranin. Mauubusan na tayo ng dugo, kung tutuusin, dahil matagal ng dinudugo ang mga ilong natin dahil sa pagiging ignorante sa sariling wika. Bobo. Masakit mang pakinggan, pero iyan ang katotohanan.


PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents

Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: Maraming Wika,
Matatag na Bansa

Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlah
i
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p’re
The Manila Bull
etin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philipp
ine Encyclopedia

Iboto niyo ang entry na ito kung sa tingin niyo ay karapat-dapat itong manalo.


2 Comments:

Anonymous said...

ganda ng blog mo; nice piece on Wika2007 :) voting time na!

triZzZ said...

salamat po! you got nice entry din. you even translated it in tagalog and taglish ha. ang galing!